Monday, January 9, 2012

Hay Nako Napakareklamador!

Panginoon: Hay nako, ano kaya mabuti nito, magpapapako ako uli sa krus?
 

Hay nako. Obserbasyon lamang po ha. Ang hilig talaga nating magreklamo.

1. Reklamo sa gobyerno kasi kurakot, pero kapag eleksyon nagpapabili ng boto. Wala raw mapili. Ang tanong, bakit? Kasi ang mga mababait hindi tumatakbo, hindi naman binoboto kasi walang pera. Tapos itong mga mukhang pera ang unang nagrereklamo. Saan naman kaya babawiin nitong mga politiko ang kanilang nagastos, sige nga? Huwag magpabili, para itong mga politiko hindi na kailangan bumawi ng kanilang nagastos. Huwag kang magreklamo kasi ina-ani mo lang ang iyong itinanim. Alangan namang aani ka ng manga kung ang itinanim mo ay bayabas!

2. Reklamo mahal ang bilihin pero kahit pagtanim na lang ng kamatis sa masetera hindi magawa! Hay nako, kahit ba tanglad kailangan pang bilhin sa palengke?

3. Reklamo baha. Aba natural naman talaga na may baha. Pero meron din talagang baha na dahil sa ating mga ginagawa. Palagi kasing tapon ng tapon ng basura at putol ng putol ng kahoy! Hindi naman kailangan may naghahakot ng basura, i-segregate mo, irecycle, kikita ka pa sa mga basag na bote, papel at plastic. Hay nako, noong mga unang panahon, wala naman naghahakot ng basura, bakit malinis? Hala sige, ituloy ang iyong mga ginagawa kung gusto mong lumangoy sa baha.

4. Reklamo walang trabaho. Aba, meron naman talagang pagkukulang ang gobyerno, pero marami din namang trabaho kung gugustuhin lang. Paano kasi, mas gusto ang patulog tulog lang, pa internet internet lang, inom-inuman lang. Hay nako, imbes na makatulong, lalong lumaki ang gastos. Magtanim, kahit sa masetera lang, tingnan mo, di ba di mo na kailangan bumili pa ng ibang mga gulay sa palengke. Malaki ang kaibahan ng masipag sa tamad!

5. Reklamo mahal ang kuryente. Ang iba nito wala talaga tayong magagawa, pero sa sarili meron. Huwag ng mag-aksaya ng kuryente. Pero imbes na magtipid, ayun, nanunuod magdamagan ng teleserye at walang tigil ang kakalaro sa computer. Sige huwag mong itigil yan, di ba tataas lalo ang bayad mo sa kuryente.

6. Reklamo sa programa ng Gobyerno. Wala na lang talagang nakikitang maganda. Hay nako, kapag merong programa, binabatikos agad, imbes na suportahan, ni hindi inaalam ang paliwanag kung para saan.

7. Reklamo sa kapatid, Tito at Tita, Ina, at Ama, kasi ang damot raw. Hay nako! Naghihintay lang pala ng allowance? Tapos tsini-tsismis pa! Napakagandang buhay. Ang Tito at Tita, Ina at Ama, kayod ng kayod sa labas ng bansa tapos ang mga pamangkin, anak, at kamag-anak sa inuman lang winaldas ang padala. Hindi naman lahat, pero karamihan ganito ang nangyayari. Hala sige, ituloy natin ang palimos na pag-iisip at wala talaga tayong bukas na marating.

Kaya eto, reklamo sa lahat, pero sa sarili walang ginawa! Hala sige, pagnilayan natin, magpatuloy tayo sa ganitong kaugali-an, ewan ko nalang kung saan tayo pupulutin.

PS: Merong valid na reklamo iba ito  puro lang reklamo.

(This is the Tagalog version of the original kinabali-an - bisaya, “Pastilan Pagkareklamador!” posted by the same blogger, a bit of me, aats.)

by aats

1 comment:

  1. Complaining will not help in solving problems. It will just add more burdens.

    ReplyDelete