Sunday, October 18, 2015

Sa Eleksyon


Para sa mga mareklamo sa ating gobyerno, magparehistro muna kayo at bumoto ng tama. Huwag ipagbili ang boto, kasi kung ang nanalo ay ang mga kurakot, hindi na natin kailangan tumingin pa sa malayo, tingnan nalang natin ang ang sarili kung bakit nagkaganito ang ating bansa. 

Reklamo, kurakot daw si Mayor, si Congressman, si Pangulo, e sino naman ang bumoto sa kanila? Ninakaw daw ang boto, sino ba ang nagpabili? Kung tumatanggap tayo ng pera kapalit ng ating boto, kasama tayo sa problema, hindi sa solusyon.

Sabi nila, wala namang napipili, wala namang matitino na tumatakbo, e yung hindi masyadong matakaw na lang ang piliin. Kasi ba naman, meron mga matitinong tumakbo natatalo naman dahil sabi walang pera. May isa nga akong kakilala, sabi ba naman, hindi ko yun iboboto kasi kuripot, hindi namimigay ng pera. Kung ganun ang pag iisip ng ating mga botante, aba’y wala talaga tayong mapapala sa mga nahalal nating opisyal.

Kapag ang daan ay hindi pa sementado, ang Ospital ay kulang ng mga gamot, walang doktor at nurses, at ang pera ng bayan ay napupunta lamang sa bulsa, reklamo dito at reklamo doon. Unang una, sino ba ang nagpapanalo sa kanila? Bakit sila pa rin ang binoboto? Ang matinding tanong, bumoto ka ba? Baka naman hindi ka bumuto o hindi nga rehistrado! Karapatan nating pumili ng mga halal na opisyal ng gobyerno, pero kung hindi tayo pipili ng tama, kasalanan natin, lalo na kung hindi man lang talaga nagparehistro at bumoto!

Kailangan nating mag isip ng tama, tumingin sa kinabukasan at hindi kung ano lamang ang mailalagay sa bulsa ngayon.

by aats 

No comments:

Post a Comment